Sabado, Setyembre 17, 2011

Shamcey Supsup ang Pag-asa ng Bayan

Nanghinayang ang maraming pinoy nang tanghaling 3rd runner-up lamang si Shamcey Supsup, ang ating pambato sa nagdaang Miss Universe pageant. Marami ang naniniwala na she deserved to place higher than that, kasi napakaganda ng kanyang sagot sa Question and Answer portion. Nakaka-proud pa dahil siya lang ang sumagot ng diretsong inggles at hindi gumamit ng interpreter.

Naisip ko tuloy, hindi talaga nagma-matter kung maganda ang sagot mo, o hindi, upang ika'y hiranging Miss Universe. Last year, sabi ng marami, natalo si Venus Raj dahil hindi maganda ang sagot niya sa kanyang Final Question. Kaya bakit si Shamcey, with conviction, substance and confidence ang sagot, pero talo pa rin?

Saan ba dapat lumugar? Alin ba ang tamang diskarte? Ano ang dapat gawin upang magwagi?

Sa bansa natin kung saan 15% lamang ng mga guma-graduate taun-taon ang pinapalad na ma-employ, ano ba ang winning moves upang matanggap sa application? Kumbaga sa Evening Gown Competition ng Miss Universe, nakasalalay ba ang pagpasa mo sa itsura at suot mo during the application process? Deciding factor ba ang Question and Answer portion mo with the Employer? Paano ka ba niya iju-judge? Kelangan mo ba siyang ma-impress sa isang Talent portion?

Kapalpakan ng ating gobyerno ang pangunahing dahilan kaya maraming pinoy na walang trabaho. Pero sa tingin ko, isa pang dahilan kaya ganun kababa ang porsyento ng mga recent graduates na pumapasok sa ating workforce ay dahil maraming kabataang pinoy na magaling lang sa rampahan ngunit kulang sa sustansya ang isipan. Kapos na ang Pinas sa mga Shamcey Supsup, na beauty, glamour and brains. Karamihan sa mga college students ngayon ay iba ang inaatupag imbes na pag-aaral - gimik at inuman, Facebook, Dota, malling, at kung anu-ano pa.

Nagtapos ako sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Mahal ko ang paaralang ito dahil hinubog nito ang aking isipan at pagkatao. Hindi lamang ako natuto, naranasan ko ring maging lider at mamahala ng iba't-ibang student organizations. Masasabi ko na yung generation ko ng mga Isko (short for Iskolar) ay magagaling, bigatin at nakakabilib. Kami ang mga Shamcey Supsup ng 90's.

Ngunit kapag dumadalaw ako ngayon sa Pamantasan ay labis akong nalulungkot. Maraming hilaw na Isko na naglipana sa paaralang dati'y pinamumugaran lamang ng mga pinaka-magagaling at pinaka-matatalinong mag-aaral. Maraming Isko na freshman o sophomore pa lamang ay linggo-linggo nang lumalaklak ng alak sa Beer Garden, sa Central, sa Sherwood, o sa Coal. Maraming Isko na imbes na mag-aral ay hahatiin ang oras o mas ipa-prioritize pa ang pagsasayaw, cheering o Intrams. Iilan na lamang ang nagpapahalaga sa pagsali sa mga worthwhile na student organizations. Mas gusto pa nilang rumampa sa mga mall kesa mag-outreach project, um-attend ng mga lecture forums, o sumali sa mga leadership training seminars. Maraming Isko ang kuntento nang maka-Tres (pasang-awa). Para bang iniraraos na lang ang kanilang pag-aaral.

Nakaka-proud at nakaka-inspire kapag nababalita na Topnotchers ang mga Isko sa Nursing, PT, Engineering, CPA at Architecture licensure exams. Nakakabilib pag sinasabing hundred percent passing rate ang PLM. Pero, ang hundred percent na iyon ay equivalent lamang sa maliit na bilang ng mga estudyante, kumpara sa bilang ng kanilang batch nung sila'y mga first year pa lamang. Kumbaga, sa sampung estudyante na pumasok sa College of Nursing ay mga apat o lima na lamang ang makakaabot ng fourth year. Ang iba ay nalipat na sa ibang course or worse, nasipa na sa Pamantasan. Labis na nakakapanghinayang, pagkat tila hindi pinahalagahan ng mga estudyanteng ito ang libre o murang edukasyon na ibinibigay ng kanilang paaralan. Mahigit anim na libo ang nais pumasok sa Pamantasan taun-taon, ngunit less than two thousand lamang ang naa-accommodate. Sayang naman ang slot mo sa PLM kung hindi mo pagbubutihin, kung makikipag-barkada ka lang, kung gabi-gabi ka lang na gigimik. Sana ay ibinigay na lang ang slot mo doon sa ibang hindi natanggap ngunit mas may pagpapahalaga sa quality education na ino-offer ng PLM. Parang Miss Universe lang yan e. 89 ang kandidata at marami dun ang gustong-gustong maisuot ang korona. Kung nakapasok ka na sa Top 15, dapat karirin mo na! Ibigay mo na ang best mo! Para hindi ka na maligwak!

Gaya ng maraming pinoy, nais kong umunlad ang Pilipinas. Nais kong tingalain tayo ng ating mga kapit-bahay na bansa. Ngunit mangyayari lamang iyon kung bubuhayin ng mga kabataan ang sinabi noon ni Dr. Jose Rizal, na ang mga kabataan ang pag-asa ng ating bayan. Sana ay pangarapin ng bawat pinoy ang korona ng tagumpay. Sana ay karirin nila ang pag-aaral upang makatuntong sa semi-finals at final-round ng kompetisyon ng buhay. Sana ay hindi lang sila magaling sa rampahan para umariba sila sa maraming question and answer portions o pagsubok na kanilang haharapin pagka-graduate nila.

Pagka ginawa natin ang mga ito, lahat tayo ay maaaring maging isang Shamcey Supsup - isang Filipino na ipagmamalaki at magbibigay karangalan sa kanyang bayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento