Habang sakay ng taxi papunta ng gym ay na-force akong makinig sa AM radio ni Manong. Hindi na ako nag-attempt na ipalipat sa FM station ang radyo dahil mukhang aburido sa mundo ang driver. Pero mas lalo siyang naaburido dahil sa mga pangit na balitang aming napakinggan.
Sabi ng reporter, by the year 2025 daw ay magkakaroon na tayo ng water shortage sa bansa. Mapipilitan na raw ang Pilipinas na umangkat ng tubig mula sa mga foreign neighbors natin. Dahil ito sa mga walang disiplinang mamamayan na mahilig magsayang ng tubig.
Bukod sa problema sa tubig, sobrang nakakalbo na rin daw ang mga forests natin. Only 20 percent na lang ng ating original forest cover ang natitira, making the Philippines the only country in Southeast Asia na may pinaka-manipis na forest cover. Dahil naman ito sa walang pakundangang pagmimina sa ating mga kagubatan.
Sabi ni Manong, kung may pera lang daw siya, dadalhin na niya ang pamilya niya sa ibang bansa at doon na lang maninirahan. Kahit daw maging kartero na lang siya, o street sweeper sa Singapore, okay lang. Mas magiging maginhawa naman daw ng di hamak ang buhay nila doon. Tatlumpung taon na raw siyang driver pero wala pa rin siyang natitikmang pag-angat sa buhay. Araw-araw daw niyang nakikita sa kalsada kung gaano ka-pasaway ang iba, o karamihan sa mga Pilipino.
Naalala ko yung pangalawang libro ni Bob Ong, yung Bakit Baligtad Magbasa ang Pilipino. Parang satirical commentary ito ng mga magagandang katangian ng mga Pinoy, pati na ang mga kahinaan at pangit na ugali natin. Ang librong yun ay parang malamig na tubig na ibinuhos sa akin upang magising. Na-realize ko na pasaway rin ako. Na marami rin akong ginagawa na hindi maipagmamalaki. Na hindi pala ako isang mabuting ehemplo na dapat pamarisan ng aking kapwa.
Nung 2003 ay naging bahagi ako ng Youth Delegation ng SSEAYP (Ship for Southeast Asian Youth Program). Isa ako sa dalawampu't-syam na pinoy na nagrepresent sa ating bansa sa porogramang tumagal ng dalawang buwan, at kinabilangan ng mga delegasyon mula sa ASEAN countries at Japan. Sobrang proud ako na maging kinatawan ng ating bansa. Sobrang memorable ang experience na yun, dahil nakapunta ako sa Singapore, Malaysia, Thailand, Indonesia at Japan. Marami rin akong naging kaibigan mula sa mga bansang ito, at marami akong natutunan sa kanilang kultura.
Pero ang pinaka-pamana sa akin ng pagiging Philippine Youth Ambassador sa SSEAYP ay yung pagkakataon na paigtingin ang diwa ng pagka-Pinoy ko. Dati, natatawa ako pagka ang kausap ko ay may Visayan accent. Pero dahil ang mga kasama ko sa delegation ay mula sa iba't-ibang regions ng Pilipinas, marami akong nakasalamuha na mula sa Visayas at Mindanao. Mas na-appreciate ko ang diversity, at natutunan ko na magkaroon ng respeto sa kapwa ko Pinoy mula sa mga rehiyon na ito. Dati, wala akong gana kapag inaawit ang National Anthem natin. Pero nung nasa ibang bansa kami, proud na proud akong kinakanta ang Lupang Hinirang habang taas-noong nakatingin sa ating watawat. Nung magturo ako sa PLM years later, I inculcated this to my students, na dapat ay namnamin nila ang message ng ating pambansang awit at kantahin nila ito as an affirmation of their love for the country. Nababaduyan sila nung una, pero nang lumaon ay tumatak rin sa isipan nila ang essence ng ipinapagawa ko sa kanila.
Dati ay jologs para sa akin ang pagsayaw ng mga Filipino folk dances. Pero kinailangang matuto ako nito para sa mga performances namin sa SSEAYP. Hindi ko akalain na sobrang mag-eenjoy ako. May kwento pala ang mga sayaw na ito. Kaya mas na-appreciate ko. At proud ako na nai-showcase namin ang mga sayaw na ito sa ibang bansa, patunay ng 'di matatawarang galing at talento nating mga Pinoy.
Sobrang nakakamangha ang ganda at linis ng Singapore at Japan. Pero nung nag-dock ang barko namin sa Pilipinas, tuwang-tuwa ako to be back home. Tuwang-tuwa ako na Pinoy ako at ito ang bansa ko.
Kahit mahirap ang bansa natin, kahit flawed tayong mga Pinoy, kahit marami tayong problemang hinaharap, hindi ko pa rin ipagpapalit ang Pilipinas sa ibang bansa. Proud ako sa pagiging Pinoy ko. Proud ako na nagtatrabaho ako ng mabuti at nagbabayad ako ng tamang buwis. Proud ako na umaawit ako ng Lupang Hinirang tuwing last full show sa sinehan. Proud ako na bumoboto ako, na never ako nanlamang ng kapwa, na nagtatapon ako ng basura sa tamang lugar, at nanonood ako ng pelikulang Pilipino. Dahil naniniwala ako na basta may natitirang mga pinoy na matino, o may pagnanais na magbago, may pag-asa pa rin ang bansang ito. Hindi na kailangang manalo ni Pacquiao o ng Azkals para maging proud tayo na Pinoy tayo. Paglabas mo ng bahay, pagtingin mo sa mga katabi mo sa jeep, sa mga kasabay mo mag-lunch sa opisina, o sa mga naglalakad na tao sa mall, maging proud ka sa kapwa mo. Pagkat kahit mga simpleng tao ay maaaring gumawa ng mga simpleng bagay na maka-Filipino.
Kaya sabi ko kay Manong Driver, with strong conviction and head held up high, "pasaway ho ako, pero may ginagawa ako para baguhin ang sarili ko. E kayo, ano na ba ang ginawa nyo para tulungan ang bansa nyo?"
Natahimik si Manong at napaisip.
Sana, pagkabasa mo nito ay mapaisip ka rin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento